Entries for October, 2007
What is your greatest regret in life?
Nakita ko ang tanong na ito sa isang scratch paper. Napaisip ako. Ano nga ba ang isang bagay na talagang pinanghihinayangan ko dahil nagawa ko? Isa lang ang pumasok sa utak ko. Ang mama ko. Sa pakiramdam ko kasi, binigo ko siya. Ang mama ko lang ang pinakatatanging tao na sumuporta sakin sa lahat ng parte ng buhay ko. Naaalala ko tuloy yung mga panahon na nandito pa siya sa Pilipinas. Noon, iniisip ko na wala siyang kwenta kasi nawalan siya ng trabaho. Na makulit siya dahil sinusundo pa niya ako sa computer shop kahit ala-una na ng madaling araw. Na mali ang desisyon niya na magturo sa isang private school kesa sa isang public school dahil mas malaki ang sweldo don. Na tamad siyang tao dahil mas nauuna akong gumising sa kanya sa umaga. Na masyado siyang kakaiba dahil hindi siya magaling magluto.
Pero ngayong nasa states na siya medyo naisip ko na kung bakit genun ang mga bagay-bagay. Na mahal na mahal niya ako kaya kahit madaling araw ay nilalakad niyang mag-isa ang madilim na kalye papunta sa computer shop. Na pinapahalagahan niya ang pagkakaibigan kaya hindi siya makaalis sa eskwelahang halos sampung taon niyang pinagtiisan. At ngayon ko rin naisip, na ang mama ko pala, kahit hindi mayaman ay maraming kaibigan. Nung nawalan siya ng trabaho, hindi ko alam kung pano niya kinukuha ang pangbaon sakin pati na yung kinakain namin araw-araw. Marami nga pala siyang kaibigan na tumulong samin. Masyado pala akong masamang tao. Dati kasi, kapag nag-aaway kami ng mama ko, talagang murahan. Pero pag tinotopak naman ako, siya lang nagpapasensiya sakin.
Hindi ako isang taong "showy" sa nararamdaman ko kaya siguro hindi ako madalas umiiyak. Pero nong naglikom ako ng mga gamit ko sa dati naming kuwarto kahapon, may nakita akong isang bagay na talagang nagpaiyak sa akin. Nakalagay sa taas ng lumang aparador namin ay isang luma na ring kahon ng sapatos. Dahil makalikot ako, binuksan ko. At nakita ko ang "Happy Valentines" card na ginawa ko noong Grade III ako. Tinago pala ng mama ko. Medyo nagsesenti nako noon dahil andaming alaala sa dating kwarto namin na nilinis ko kaya kahit malabo na sa alaala ko yung tungkol sa card na yon, napangiti ko at tumulo yung luha ko. At narealize ko na talaga palang mahal ako ng mama ko.
Sa nangyayari ngayon sa buhay ko, naiinis talaga ako sa sarili ko. Masyado nakong bulakbolero, dropped na ko sa lahat ng subjects ko sa school at anlakas ko mag-inom. Pero bakit nga ba hindi ko mabago sarili ko? Hindi ko din alam. Nagawa ko tuloy ang entry na to habang nagmumuni-muni at nakikinig ng radyo. At nang napatugtog ang "If" ng Bread na lagi niyang kinakanta sa videoke, lalo akong nalungkot. Namiss kong lalo ang mama ko, yung midnight walks namin, at yung matamis na kapeng lagi niyang tinitimpla para sakin...
{ music } If by Bread
{ mood } sentimental
Written by buchi at 01:30 PM.