Bago na namang yugto sa buhay ni Buchi....
Hehehe.
Siguro panibago na nga itong yugto sa buhay ko, ang pag-aasawa! Nag-iisip na rin ako dahil meron nang posibilidad na magkakaroon na ako ng anak. Hehe. Medyo kabado, medyo natatakot, pero sigurado akong masaya ako! Pocha, anak ko ata yun! Sariling dugo at laman. Pero siyempre, nag-aaral pa ako, ano ang ipapakain ko don? Baka magtrabaho na ako sa call center(sana kaya ko). Habang nakuha sa UP Open o kaya sa CVSU Open Univ. Kaya ko kaya yon?
Pero naiisip ko, kahit na parang mahirap gawin yun, masaya naman talaga ang buhay na tahimik (este magulo). Unang una, pagdating mo sa bahay may makekwentuhan ka ng mga nangyari sa buong araw mo, lahat ng frustrations mo, yung mga pangarap niyo, yung merong kakamot sa likod mo kapag makati, magtatanong kung kumain ka na, maglalaba ng damit mo(yoko maglaba). Tsaka meron ka katabi sa kama kapag malamig at naulan sa labas. :D
Hindi nga siguro biro tong naiisip kong gawin. Lalo na at hindi pa ata ako handang magtrabaho at putulin ang ibang bisyo. Pero siguro, panahon na lang ang makakapagsabi.
"Cross the bloody bridge when you get there"
{ music } With A Smile - Eraserheads
{ book } Blood Price by *kamot ulo nakalimutan*
Written by buchi at 02:25 PM.
What is your greatest regret in life?
Nakita ko ang tanong na ito sa isang scratch paper. Napaisip ako. Ano nga ba ang isang bagay na talagang pinanghihinayangan ko dahil nagawa ko? Isa lang ang pumasok sa utak ko. Ang mama ko. Sa pakiramdam ko kasi, binigo ko siya. Ang mama ko lang ang pinakatatanging tao na sumuporta sakin sa lahat ng parte ng buhay ko. Naaalala ko tuloy yung mga panahon na nandito pa siya sa Pilipinas. Noon, iniisip ko na wala siyang kwenta kasi nawalan siya ng trabaho. Na makulit siya dahil sinusundo pa niya ako sa computer shop kahit ala-una na ng madaling araw. Na mali ang desisyon niya na magturo sa isang private school kesa sa isang public school dahil mas malaki ang sweldo don. Na tamad siyang tao dahil mas nauuna akong gumising sa kanya sa umaga. Na masyado siyang kakaiba dahil hindi siya magaling magluto.
Pero ngayong nasa states na siya medyo naisip ko na kung bakit genun ang mga bagay-bagay. Na mahal na mahal niya ako kaya kahit madaling araw ay nilalakad niyang mag-isa ang madilim na kalye papunta sa computer shop. Na pinapahalagahan niya ang pagkakaibigan kaya hindi siya makaalis sa eskwelahang halos sampung taon niyang pinagtiisan. At ngayon ko rin naisip, na ang mama ko pala, kahit hindi mayaman ay maraming kaibigan. Nung nawalan siya ng trabaho, hindi ko alam kung pano niya kinukuha ang pangbaon sakin pati na yung kinakain namin araw-araw. Marami nga pala siyang kaibigan na tumulong samin. Masyado pala akong masamang tao. Dati kasi, kapag nag-aaway kami ng mama ko, talagang murahan. Pero pag tinotopak naman ako, siya lang nagpapasensiya sakin.
Hindi ako isang taong "showy" sa nararamdaman ko kaya siguro hindi ako madalas umiiyak. Pero nong naglikom ako ng mga gamit ko sa dati naming kuwarto kahapon, may nakita akong isang bagay na talagang nagpaiyak sa akin. Nakalagay sa taas ng lumang aparador namin ay isang luma na ring kahon ng sapatos. Dahil makalikot ako, binuksan ko. At nakita ko ang "Happy Valentines" card na ginawa ko noong Grade III ako. Tinago pala ng mama ko. Medyo nagsesenti nako noon dahil andaming alaala sa dating kwarto namin na nilinis ko kaya kahit malabo na sa alaala ko yung tungkol sa card na yon, napangiti ko at tumulo yung luha ko. At narealize ko na talaga palang mahal ako ng mama ko.
Sa nangyayari ngayon sa buhay ko, naiinis talaga ako sa sarili ko. Masyado nakong bulakbolero, dropped na ko sa lahat ng subjects ko sa school at anlakas ko mag-inom. Pero bakit nga ba hindi ko mabago sarili ko? Hindi ko din alam. Nagawa ko tuloy ang entry na to habang nagmumuni-muni at nakikinig ng radyo. At nang napatugtog ang "If" ng Bread na lagi niyang kinakanta sa videoke, lalo akong nalungkot. Namiss kong lalo ang mama ko, yung midnight walks namin, at yung matamis na kapeng lagi niyang tinitimpla para sakin...
{ music } If by Bread
{ mood } sentimental
Written by buchi at 01:30 PM.
Shet. Pakshet. Bulshet. Lahat na ng shet!
Nakakatakot din pala ang mga rambol. Nakow. Dagundong na ang puso ko eh. Anlakas ng tibok. Amp. Sa buong dalawampung taon na nabuhay ako sa mundo, ngayon lang ako napasama sa isang away na talagang brutal. Hindi naman ako kasama sa pag-aaway nila, pero ang balita kasi sa amin ng isang mabait na kaibigan, madadamay daw ako at ang nakababatang pinsan ko dahil nandun kami sa lugar noong nagkagulo.
Ang kwento..
Pagkatapos naming mag inuman-hopping sa dalawang lugar, tinamaan na kami at nagdesisyong umuwi na. Kasama ko ang pinsan ko(17), si Saddam(19) at si Kira(24). Pero dahil masarap mag food trip pagkatapos mag-inom, pumunta muna kami sa gotohan na suki namin.
Tawanan pa kami sa gotohan, tamang trip, na hindi naman gaano nakakagulo. Tas biglang may dumating na isang lasing na si Tukmol-1. Umupo, at kumain din ng goto. Napag-usapan namin ang tungkol dun sa isang tropa ni Saddam na babanatan daw siya. Isang taong ang pangalan ay Peter. Tawanan pa ulit, at doon, nag-react si Tukmol-1. Ano daw ang problema kay Peter. Sabi naman ni babaeng Tukmol-2 na anak ng may-ari ng gotohan, si Tukmol-1 daw ay kapatid ni Peter(na hindi naman pala). Doon, nag-react na rin si Kira. Biglang tumayo si Tukmol-1 at hinampas ang boteng mukhang Emperador, balak saksakin si Kira gamit ang parteng natira sa kamay niya. Umawat na si Saddam dahil kakilala niya pareho. Pero ayaw paawat ni Tukmol-1. Parang naghahanap talaga ng away. Napansin ko nakangiwi si pinsan. Pagtingin ko, tinamaan pala siya ng mga bubog sa braso. Inintindi ko muna si pinsan, hindi naman malala mga sugat pero nag-alala ako na baka mabubog. Nakita ko, inaawat pa rin ni Saddam si Tumol-1. At biglang nangyari ang lahat. Hinablot ng matindi ni Tukmol-1 si Kira sa leeg at napigtal ang "bling-bling" na peyborit ni Kira. Nagalit na si Kira at napaupo sa tabi ng kotse niya. Doon nabunot niya ang Samurai na dala niya. At hinarap si Tukmol-1. Late ang reaction ni Tukmol-1. Nasaksak siya sa likuran nang yumuko siya sa pag-aakalang susuntukin lang siya ni Kira. Pagpansing may tama siya, tumakbo si Tukmol-1. Hinabol ni Kira. Nawala sa tanaw namin ang naghahagaran. Nagpapanic na ang lahat. Pati ako.
Kilala kasi namin si Kira, mula yon sa isang respetadong angkan ng mga hitman. Parang si Killua, pero sa tunay na buhay. Hindi titigil yon ng hindi napapatay ang mga taong basta na lang nakikialam sa kanya. Maswerte pa nga ang hinayupak na yon, dahil hindi dala ni Kira yung .38 nya. Siguro natrauma pa ako kung nakakita ako ng taong binaril sa harapan ko.
Sa ngayon, ayos na daw ang lahat sabi ng Erpats ni Kira. Kinausap na noong isang gabi, at sinabing kapag may nagalaw sa aming apat, malilintikan pati pamilya ni Tukmol-1. Medyo natuwa ako doon, pero pakiramdam ko malabong hindi gumanti si Tukmol-1. Kilala kasi ng isang kaibigan yon, at sinabing kahit daw nag-usap na, dapat pa rin kaming mag-ingat. Kaya kami ngayon ni pinsan, hindi masyado naggagala ng walang kasama. Amp.
First time kong sumugod sa ulan noon para lang sa isang bala ng baril.
First time makakita ng taong nagyabang at biglang nag-amok.
First time nakaamoy ng dugo sa kutsilyo.
First time matakot para sa buhay ng pinsan ko.
At first time ding natakot para sa buhay ko.
Pero ayos lang, kasama ang mga away sa gulong ng buhay. Sana nga lang, hindi ako mapasama palagi sa mga ganong bagay.
{ book } ABNKKBS N PL AKO
{ show } Kekkaishi Anime
{ mood } worried
Written by buchi at 02:22 PM.